Kapitan Sino.. Ang aking Super Hero..
Isinulat ni Bob Ong.
Malaking tulong sa buhay kung mababasa ang buong libro.
Ito ay nakalathala sa wikang Filipno.
Sana mapakinabangan ng mga estudyante.
Magpaaalam lang ang mga gagamit..
Mga Tauhan:
·
Rogelio Manglicmot/ Kapitan Sino
Ang
pangunahing tauhan sa kwento. Isang ordinaryong binata, katatamtaman ang
katawan at kayumanggi ang kulay, residente ng Pelaez na sinubok ng tadhana ng
tanggapin niya ang hamon na maging isang bayani para magligtas sa kanyang
kapwa.
·
Mang Ernesto
Ang
tatay ni Rogelio, isang matandang mabigat ang loob dahil sa kanyang sakit, sa
huling bahagi ng kwento ay matutuklasan ang tunay na dahilan ng kanyang di
gaanong mabuting pakikitungo sa kanyang pamilya.
·
Aling Hasmin
Ang
mabait at maunawaing nanay ni Rogelio.
·
Bok-Bok
Kababata
ni Rogelio at nagsisilbing sidekick ni Kapitan Sino, siya ang unang nakaalam ng
tungkol sa itinatagong kapangyarihan ni Rogelio at nagkumbinsi sa kaibigang
maging superhero upang makatulong sa kapwa.
·
Tessa
Kababata
ni Rogelio at ang babaeng tinitibok ng kanyang puso.
·
Mayor Solomon “Omeng” Suico
Ang
mabait at mapagkawanggawang mayor ng Pelaez subalit mayroong misteryosong
katauhan.
·
Aling Precious
Kapitbahay
ni Rogelio na laman lagi ng kalye, madalas kapayabangan ni Aling Baby.
·
Aling Baby
Ang
mortal na kaaway ni Aling Precious, laman rin lagi ng kalye.
·
Aling Chummy
Ang
nagpakulong kay Rogelio dahil hindi umano napigilan ng binata ang kanyang asawa
sa paninigarilyo kaya ito namatay.
·
Anghela
Ang
manikurista na tagapagdala ng “balita” kina Aling Baby.
·
Mang Berto
Ang
tanod ng barangay.
·
Mang Jose
Ang
napabalitang nawawala kasama ng kanyang mga anak at magulang.
·
Jong
Residente
ng Pelaez na nangangalakal ng basura at madalas manghiram ng kariton kay
Rogelio.
·
Ging-Ging
Ang
makulit na batang laging bumibili sa “sari-sari store” ni Rogelio,nagging
malungkutin simula ng mamatay ang binata.
·
Vice Mayor Virgilio Samonte
Ang naghanda
ng palabas para bigyan ng parangal si Kapitan Sino.
·
Dating Heneral
Kapatid
ni Mang Jose. Nagwala at nagbato ng granada sa araw ng parangal para kay
Kapitan Sino dahil hindi umano nito nailigtas ang kanyang kapatid.
Pinangyarihan (Setting):
Dekada 80, sa bayan ng
Pelaez.
Buod:
Ang kwento ay umiikot
sa bayan ng Pelaez, ito ay tungkol sa isang dalawampu’t limang taong gulang na
binatang si Rogelio Manglicmot, residente ng Pelaez isang karaniwang tao,
ngunit nagsimulang magbago ang kanyang buhay ng madiskubre ng kanyang kaibigan
na si Bok-Bok ang kanyang kakaibang lakas at kuryente sa kanyang katawan na
nagsisilbing kapangyarihan,hindi sinasadyang nakita ni Bok-Bok na napapaandar
pa rin ni Rogelio ang soldering iron at napapailaw ang bumbilya kahit walang
kuryente gamit ang kamay niya, pinilit ni Rogelio na itago ang kanyang naiibang
kakayahan dahil para sa kanya isang malaking responsibiidad ang pagiging
superhero subalit nakumbinsi din siya ng kanyang kaibigan na gamitin ang
kapangyarihan para tumulong sa kapwa. Katulad ng mga superhero na napapanood sa
pelikula, nahirapan rin sa umpisa si Rogelio na kontrolin at gamitin ng maayos
ang kanyang kapangyarihan, ngunit di kalaunan ay natutunan din niya itong
gamitin ng maayos sa tulong ng kanyang mga kaibigang sina Bok-Bok at Tessa
hanggang sa makilala siya bilang si “Kapitan Sino”, ang makakapitan ng mga tao.
Holdapan, Kidnapan,
nakawan, sunog pati pagsagip sa pusang nakasabit sa puno ay inaagapan ni Kapitan
Sino, lahat ginagawa niya para makatulong kaya naman ganoon na lang ang
paghanga sa knaya ng mga tao. Hanggang sa dumating na ang mabigat niyang
kalaban, isang halimaw na mukhang gorilya, minsan na niya itong natalo sa isang
laban, subalit isang gabi ay sumalakay ulit ang halimaw. Ayon sa mga kapitbahay
ni Rogelio nangindnap umano ito ng isang bata. Hinanap ni Rogelio ang halimaw
para iligtas ang nasabing bata mula sa kamay nito, nagtuos ang dalawa sa isang
lumang ospital. Natalo ni Kapitan Sino ang halimaw at nalaman din niya ang
tunay na katauhan ng halimaw. Ang isang bagay na nakapagpalungkot sa kanya ng
sobra nang gabing iyon ay ang katotohanang wala na ang kaisa-isang babaeng
kaligayahan ng mundo niya, hindi bata ang nakuha ng halimaw kundi si Tessa na
natagpuan ni Rogelio na wala ng malay, sinubukan niya itong dalhin sa ospital
pero namatay din ang dalaga.Hindi niya nagawang sagipin si Tessa.
Matapos ang mga
pangyayari ng gabing iyon, naging abala si Kapitan Sino sa pagiging superhero,
mula paggising hanggang sa pagtulog, araw-araw ay wala siyang ginawa kundi
magtrabaho bilang bayani sa abot ng kanyang makakaya. Hindi na niya napapansin
ang ibang bagay at tao sa buhay niya katulad ng mga magulang niya, ni ET, ni
Bok-Bok at maging ang repair shop. Nawalan na siya ng mithiin at pangarap.
Napansin ni Mang Ernesto ang hindi magandang kalagayan ng anak kaya minabuti
niyang kausapin ito. Ipinaalam niya sa anak ang tunay niyang pagkatao at
ipinainitindi ang responsibilidad at hangganan ng pagiging isang superhero.
Naghandog ang bagong
alkalde ng Pelaez ng isang palabas para malaman kung sino ang tunay na Kapitan
Sino at maparangalan ito. Dahil malaking pera ang parangal, maraming mga
impostor ang nagsulputan. Lalo pang nagkagulo ng magwala ang isang dating
heneral, may dala siyang granada, galit ang lalaki dahil hindi raw sila
nailigtas ng bayani. Bigla niyang inihagis ang granada, mabilis namang
nakakilos si Rogelio, dumapa siya sa granada upang hindi masabugan ang mga tao
kaya siya nagkaroon ng galos sa katawan at paso sa mukha. Napunit din ang costume
ni Kapitan Sino kaya nakilala siya ng mga tao, dinumog nila ang bayani. Subalit
imbes na pasalamatan ay sinisi pa siya sa mga bagay na wala naman siyang
kinalaman at hindi niya naman pwedeng solusyunan, dahil dito ay ikinulong siya.
Nagkaroon ng malaking
problema ang bansa dahil sa pagkalat ng isang nakakahawa at nakamamatay na
sakit, ang AVH Fever. Isa lamang ang lunas para dito, ang dugo ni Rogelio
Manglicmot, pinagkaguluhan siya ng mga
tao. Namatay si Rogelio habang inililigtas ang isang bata sa pamamagitan ng
pagpahid ng kanyang dugo dito, nanghina ang binata at tuluyan ng binawian ng
buhay dahil sa kakulangan o kwalan niya ng dugo.
Pinarangalan ng Pelaez
si Rogelio Manglicmot dahil sa kanyang nagawa pagkatapos nitong mamatay. Hindi
ito ikinatuwa ng kaibigan niyang si Bok-Bok dahil para sa kanya wala ng kwenta
ang parangal at ang mahalaga sa kanya ay ang mga aral na naiwan sa kanya ng
kaibigan na babaunin niya habang buhay.
Pagsusuri:
a.)
Suliranin
Ang pagkakaroon ng malahalimaw na sakit ng
Mayor ng Pelaez. At ang hindi magandang ugali ng mga taga Pelaez na halos iasa
na ang lahat sa iba.
b.)
Tunggalian
Tao laban sa lipunan.
c.)
Kasukdulan
Nang pigilan ni Rogelio sa pagsabog ang
granada para iligtas ang mga tao at nalaman nilang siya si Kapitan Sino.
Mensahe:
“Naghahanap
ang tao ng iba na magliligtas sa kanila. Dahil hindi sila yung iba na ‘yun’,
wala silang ginagawa. Walang nagbabago. Walang may gustong magbago. Naghihintay
ang lahat sa ‘iba’ yung hindi nila katulad.”
Sa aking palagay, ito
ang pinakamahalagang mensahe sa kuwento. Ang bayan ng Pelaez ay maihahambing sa
ating bansang Pilipinas, sina Aling Baby, Aling Precious, Aling Chummy at ang
kaptid ni Mang Jose ay sumisimbolo sa mga tao sa ating bansa na halos ibunton
ang lahat ng sisi sa gobyerno, mga taong gustong makamit ang pagbabago pero
wala namang ginagawa. Hinihintay natin ang iba kung kailan sila kikilos para
mapabuti ang ating bayan pero tayo kahit minsan hindi natin sinusubukan na
mapabuti ito. Hindi kailangang maging presidente ng Pilipinas, maging mayaman,
maging malakas, maging superhero o sumali sa Miss Universe para makatulong
upang mapabago ang kalagayan ng ating bansa, sa mga simpleng gawain nagsisimula
ang pagbabago, katulad ng pagsunod sa mga simpleng batas gaya ng pagtawid sa
tamang tawiran, pagbaba at pagsakay ne jeep sa tamang lugar, pagtapon ng basura
sa tamang lugar at marami pang ibang maliliit na bagay, dito magsisimula ang lahat.
Tayong lahat ay may kakayahang tumulong, obligasyon nating gawing mabuti ang
buhay natin. Ang lahat ay magsisimula sa sarili hindi sa iba. Madalas isinisisi
natin sa iba ang mga kapalpakang nangyayari sa buhay natin, dahil hindi natin
matanggap na nakakagawa tayo ng mali at madalas bilang tao ay iniisip lang
natin ang sarili natin, lagi nating hinihintay na may gawin ang ibang tao para
sa atin ngunit tayo mismo ay wala rin namang ginagawa para sa iba.
Bukod sa mensaheng
nabanggit sa itaas ay may ilan pang magandang mensaheng gustong iparating ang
may-akda sa mga mambabasa. Naipakita rin sa libro na walang binabagayan ang
kabayanihan at pagtulong, tumutulong tayo hindi para magpasikat o para humingi
ng kabayaran o kapalit dapat tayong tumulong dahil kaya binigyan tayo ng
kakayahang makatulong, binigyan tayo ng lakas para itama ang mali at tumulong
sa mahihina kaya kailangang gamitin natin ito. Mayroon ding mga bahagi sa
kwento na nagpapahiwatig na kahit na gaano tayo kagaling, kalakas,
kayamanan,katalino hindi natin kayang iligtas ang lahat o gawan ng paraan ang
lahat ng bagay dahil mayroong nakakataas sa atin na may hawak ng ating buhay,
hindi man natin hawak ang buhay ng tao pero mayroon naman tayong kapangyarihan
para hindi pahirapan ang iba. Hindi dahil hindi nating kayang gawin at
kontrolin ang lahat ng bagay ay wala na tayong magagawa, laging mayroon tayong
magagawa, kung gugustuhin natin.
Mababasa rin sa kwento
ang ilan sa mga isyung politikal sa Pilipinas katulad ng paglalagay ng pangalan
ng Politiko sa mga proyektong kanilang ipinapagawa gamit ang pera ng
taong-bayan. Noon ay marami tayong makikitang ganitong karatula pero ngayon ay
nabawasan na dahil ipinagbabawal na ito ng gobyerno, hindi naman nila
kailangang ipangalandakan ang mga ginawa nilang kabutihan, obligasyon nila na
maglingkod sa bayan dahil yun ang kanilang trabaho, sabi nga sa kwento,
“Tutulong ka lang, hindi mo kailangan ng pangalan”.
Mga natutunan:
Ilan sa mga natutunan
ko sa kwento ay ang mga sumusunod:
1)
Malaki ang pwede nating maibahagi para mapadali ang
buhay ng iba, sa pamamagitan ng pagiging mabuting tao at isang mabuting
mamamayan. Kaya dapat nating isiping mabuti ang mga bagay na ginagawa natin
dahil hindi lang tayo ang naaapektuhan sa maaaring maging resulta nito.
2)
Ang mga simple at maliliit na bagay na madalas
nating balewalain at kalimutan ay importante pala at dapat pagtuunan ng pansin.
Ang mga bagay na inaakalan nating maliit lang at medaling kalimutan ay may
malaking epekto pala sa mga nangyayari sa atin, kailangang pahalagahan ang
isang bagay gaano man ito kaliit o kalaki.
3)
Ang pagpapahalaga sa isang bayani ay hindi ang
pagunita sa araw ng kanyang kamatayan kundi ang paggunita sa kanyang mga nagawa
at mga paninindigan, hindi sapat na mag-alay ng bulaklak o lumahok sa mga
programang idinaraos ng mga paaralan para sakanya ang importante ay maisabuhay
ang mga aral na natutunan mula sa kanila, ang pagrespeto sa bayani ay sa
pagrespeto sa mga ipinaglalaban niya.
4)
Ang pagtulong ay hindi kinakailangang humingi ng
kapalit o pagkilala, tumutulong ka dahil kaya mo at gusto mo.
5)
Lagi nating kakailanganin ng ibang tao sa buhay
natin dahil hindi lahat kaya nating gawin.
6)
Minsan kahit hindi natin gusto, nakakagawa tayo ng
mga bagay na mali para lang protektahan ang mga taong mahal natin, mga taong
mahalaga sa atin.
7)
Minsan kahit gaano ka kabait, kapag may nagawa kang
kasalanan, nag-iiba ang tingin sa’yo ng mga tao, nababaon sa limo tang lahat ng
ginawa mong kabutihan, importante na lagi tayong maypuwang para sa kapatawaran
sa mga puso natin dahil lahat tayo nagkakamali at lahat may dahilan.
8)
May mga bagay sa mundo na hindi natin mababago
hangga’t hindi natin iniiba ang pananaw natin tungkol dito, madalas nating
tanungin at isipin kung bakit magulo ang mundo, bakit hindi natin subukang isipin
kung ano ang mga magagawa natin para mabawasan ang kaguluhan ng mundo kahit
papaano.
9)
Laging magkakaroon ng mga pangyayari kung saan
makakasakit tayo at masasaktan, makakagawa ng pagkakamali, matutumba, babangon
dahil ganoon ang buhay, kailangan nating maging malakas para harapin ang mga
pagsubok sa atin, hindi natin kailangang harapin ang mga ito ng mag-isa dahil
may mga taong handang tumulong sa atin at tayo rin ay may kakayahang tumulong
sa iba. Ang importante ay nagagawa nating patawarin hindi lamang ang mga taong
nakasakit sa atin kundi maging ang mga sarili natin.